ARALING PANLIPUNAN 9: SEKTOR NG AGRIKULTURA

ARALING PANLIPUNAN 9

ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA 

TUKLASIN AT SURIIN 

Humigit kumulang na 7,100 isla ang bumubuo sa Pilipinas. Dahil sa lawak at dami ng mga lupain, napabilang ang Pilipinas sa mga bansang agrikultural dahil malaking bahagi nito ang ginagamit sa mga gawaing pang-agrikultura. Malaking bahagi ng ekonomiya ay nakadepende sa sektor ng agrikultura. Sinasabing ito ang nagtataguyod sa malaking bahagdan ng ekonomiya dahil ang lahat ng sektor ay umaasa sa agrikultura upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain at mga hilaw na sangkap na kailangan sa produksiyon. 


Nahahati ang sektor ng agrikultura sa paghahalaman (farming), paghahayupan (livestock), pangingisda (fishery), at paggugubat (forestry). 


niyog, tubo, saging, pinya, kape, mangga, tabako, at abaka. Ang mga pananim na ito ay karaniwang kinokonsumo sa loob at labas ng bansa. 

Paghahayupan. Ang paghahayupan naman ay binubuo ng pag-aalaga ng kalabaw, baka, kambing, baboy, manok, at pato. Ito ay nakatutulong sa pag-supply ng ating mga pangangailangan sa karne at iba pang pagkain. Ito ay gawaing pangkabuhayang kinabibilangan ng ating mga tagapag-alaga ng hayop. Mayroon ding mga pribadong korporasyon na nasa ganitong hanapbuhay. 

Pangingisda. Itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamalaking tagatustos ng isda sa buong mundo. Isa sa pinakamalalaking daungan ng mga huling isda ay matatagpuan sa ating bansa. Samantala, ang pangingisda ay nauuri sa tatlo: 

Komersiyal – ay tumutukoy sa uri ng pangingisdang gumagamit ng mga bangka na may kapasidad na hihigit sa tatlong tonelada para sa mga gawaing pangkalakalan o pagnenegosyo. Sakop ng operasyon ay 15 kilometro sa labas ng nasasakupan ng pamahalaang bayan. 

Munisipal - ay nagaganap sa loob ng 15 kilometro sakop ng munisipyo at gumagamit ng bangka na may kapasidad na tatlong tonelada o mas mababa pa na hindi nangangailangan na gumamit ng mga fishing vessel. 

Aquaculture - ay tumutukoy sa pag-aalaga at paglinang ng mga isda at iba pang uri nito mula sa iba’t ibang uri ng tubig pangisdaan - fresh (tabang), brackish (maalat-alat) at marine (maalat) (BOI, 2011) 


Paggugubat. Ito ay isang pangunahing pang-ekonomikong gawain sa sektor ng agrikultura. Mahalaga itong pinagkukunan ng plywood, tabla, troso, at veneer. Bukod sa mga nabanggit na produkto, pinagkakakitaan din ang rattan, nipa, anahaw, kawayan, pulot-pukyutan at dagta ng almaciga. 



Kahalagahan ng Agrikultura 

Ang pag-unlad ng isang bansa ay nakabatay sa laki at taas ng kita ng mga sektor ng ekonomiya. Mahalagang mapagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang lahat ng sektor, partikular ang agrikultura sapagkat dito nagmumula ang mga pagkain na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan. 

Dahil dito, ang agrikultura ay nararapat na bigyang-pansin upang mapalakas at maging katuwang ng pamahalaan sa pagkakamit ng kaunlaran ayon sa sumusunod na kahalagahan: 

1. Ang agrikultura ay pangunahing pinagmumulan ng pagkain. Ang lupain ng Pilipinas ay akma na tamnan ng mga produktong tulad ng palay, mais, tubo, patatas, at prutas tulad ng mangga, pinya, kopra, at saging. 

2. Pinagkukunan ng materyal para makabuo ng bagong produkto. Nagmumula dito ang mga hilaw na sangkap mula sa kagubatan, kabukiran, at karagatan na maaaring gamitin sa produksiyon. 

3. Pinagkukunan ng kitang panlabas. Isang mahalagang pinagkukunan ng dolyar ng bansa ay mula sa mga produktong agrikultural na naibebenta sa pandaigdigang pamilihan. 

4. Pangunahing nagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Ang mga Pilipinong may trabaho ay nabibilang sa sektor ng agrikultura. Karaniwan silang nagtatrabaho bilang mga magsasaka, mangingisda, minero, o tagapag-alaga sa paghahayupan. 

5. Pinagkukunan ng Sobrang Manggagawa mula sa Sektor Agrikultural patungo sa Sektor ng Industriya at Paglilingkod. Sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya na ginagamit 

sa agrikultura at ang patuloy na pagliit ng lupa para sa pagtatanim dahil sa paglaki ng populasyon, ang mga sobrang manggagawa ay pinakikinabangan ng sektor ng industriya at paglilingkod batay sa laki ng demand sa mga ito.


Sa pangkalahatan, ipinakikita nito na ang sektor ng agrikultura ay isang mahalagang tagapagtaguyod ng ekonomiya ng bansa. Katuwang ito ng pamahalaan sa pagpapalakas at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan mula sa mga pagkain hanggang sa mga sangkap ng produksiyon. Sa gayon, ang sektor ay magiging isang matibay na sandigan ng bayan upang makamit ang inaasam nitong kaunlaran. 


Suliranin sa Sektor ng Agrikultura 

Malaki ang kontribusyon ng agrikultura sa ating pambansang ekonomiya. Gayumpaman, kapuna-puna mula rito ang mabagal na pag-unlad kung ikokompara sa sektor ng paglilingkod. Ilan sa kadahilanan ay ang sumusunod: 


A. Pagsasaka 

1. Pagliit ng lupang sakahan. Ang patuloy na paglaki ng populasyon, paglawak ng panirahan, komersiyo, at industriya ay nagdudulot ng pagliit ng mga takdang lupain para sa pagsasaka. Kaakibat ng suliraning ito ang conversion o pagpapalit ng mga kagubatan at kabundukan upang maging pansakahan na nagiging dahilan sa pagkasira ng natural na tahanan (natural habitat) ng mga hayop at halaman (Adler, 2002). 

2. Paggamit ng teknolohiya. Ang kakayahang mapataas ang produksiyon ng lupa ay higit na makakamit sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya. Ayon kay Cielito Habito (2005), ang kakulangan ng pamahalaan na bumalangkas ng isang polisiya na magbibigay-daan sa isang kapaligirang angkop sa pagpapalakas ng ating agrikultura ang isa sa mga kahinaang dapat matugunan. Dahil dito, ang pagpapatatag sa antas ng teknolohiya sa sektor ng agrikultura ay nangangailangan ng agarang atensiyon ng pamahalaan. 

3. Kakulangan ng mga pasilidad at imprastruktura sa kabukiran. Isa rin sa mga dapat na mabigyan ng atensiyon ay ang kakulangan sa mga imprastrukturang magagamit ng ating mga magsasaka. Ang Batas Republika 8435 (Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997) ay naghahangad ng modernisasyon sa maraming aspekto ng sektor upang masiguro ang pagpapaunlad dito. Inaasahang sa wastong pagpapatupad ay matutugunan ang ilang suliranin sa irigasyon, farm-to-market-road, at iba pa. 

4. Kakulangan ng suporta mula sa iba pang sektor. Ang pagtutulungan sa loob at labas ng sektor ay magtutulak upang higit na maging matatag ang agrikultura. Ayon sa Batas Republika 8435, ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay binigyang-diin bilang suporta sa implementasyon ng modernisasyon sa agrikultura. Ang pagsusulong sa batas na ito ay isang pagkilala sa napakaraming pangangailangang maaaring hindi kayanin ng departamento nang mag-isa. Ang suliranin sa irigasyon, enerhiya, komunikasyon, impormasyon, at edukasyon ay mga tungkulin na maibibigay ng mga ahensyang ang pangunahing responsibilidad ay tungkol sa mga nabanggit. 

5. Pagbibigay-prayoridad sa sektor ng industriya. Isa sa mga nagpahina sa kalagayan ng agrikultura ayon kina Habito at Briones (2005) ay ang naging prayoridad ng pamahalaan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga favored import sa pandaigdigang pamilihan. Ito ay nabanggit din sa website na oxfordbusinessgroup.com. Ang kawalan at pagbibigay ng bigat sa industriya ang nagpahina sa agrikultura. Mas binibigyan ng pamahalaan ng maraming proteksiyon at pangangalaga ang industriya. Dahil dito, nawawalan ng mga manggagawa at mamumuhunan sa sektor ng agrikultura. Mas pipiliin pa nila ang pumunta sa industriya dahil sa mga insentibo rito na nagbunga sa pagbaba ng produksiyon at kita sa agrikultura. 

6. Pagdagsa ng mga dayuhang kalakal. Maraming magsasaka ang nahihirapang makipaglaban sa presyo ng mga murang produkto mula sa ibang bansa. Bunga ito ng pagpasok ng pamahalaan sa World Trade Organization (WTO) kung saan madaling makapasok ang mga produktong mula sa mga miyembro nito. Dahil dito, maraming magsasaka ang naapektuhan, huminto, at sa kalaunan ay ipinagbili na lamang ang kanilang mga lupa upang maging bahagi ng mga subdibisyon. 

7. Climate Change. Ang epekto nito ay lubhang nakaaapekto sa bansa tulad ng pagdating ng bagyong Yolanda, Ulysses at iba pa na may pambihirang lakas. Maaaring mabawasan ang epekto ng pagbabagong ito sa klima ng mundo kung magkakaisa ang mga bansang iwasan ang mga dahilang nagpapalala at nagpapabago sa klima ng mundo. 


B. PANGISDAAN 

1. Mapanirang operasyon ng malalaking komersiyal na mangingisda. Mula sa aklat nina Balitao et al (2012), ang malalaki at komersiyal na barko na ginagamit sa paghuli ng mga isda ay nakaaapekto at nakasisira sa mga korales. 

Thrawl fishing - ang mga mangingisda ay gumagamit ng malalaking lambat na may pabigat. Ito ay hinihila upang mahuli ang lahat ng isdang madaanan, maliit man o malaki. 


2. Epekto ng polusyon sa pangisdaan. Ang mga dumi ng tao, mga kemikal na sangkap sa mga abono o pataba na gamit sa pagtatanim, at mga kemikal na mula sa mga pabrika ay pumapatay sa mga anyong-tubig ng bansa at maaaring makaapekto rin sa mga mamamayan sa pagdating ng panahon. 

3. Lumalaking populasyon sa bansa. Kung hindi magkakaroon ng patuloy na pag-unlad, halimbawa sa teknolohiya, mahihirapang makaagapay ang bansa sa lumalaking pangangailangan ng mamamayan dulot ng pagdami ng tao. 

4. Kahirapan sa hanay ng mga mangingisda. Ang mga magsasaka at mangingisda ay isa sa may pinakamababang sahod na natatanggap. Dahil dito, sila ay nabibilang sa mga pangkat na hikahos sa buhay. Kaya naman, karaniwan ng makikita ang kanilang pagpunta sa mga kalunsuran upang makipagsapalaran. 


C. PAGGUGUBAT 

Mabilis na pagkaubos ng mga likas na yaman lalo na ng kagubatan. 

Malawakan ang paggamit sa ating mga likas na yaman. Mabilis na nauubos ito dahil sa mga pangangailangan sa mga hilaw na sangkap sa produksiyon tulad ng mga troso at mineral. 

a. Dahil dito, nababawasan ang suplay ng mga hilaw na sangkap na ginagamit ng mga industriya. 

b. Sa pagkawala ng mga kagubatan, nawawalan ng tirahan ang mga hayop kaya hindi sila makapagparami. 

c. Nagiging sanhi rin ito ng pagbaha na sumisira sa libo-libong ektaryang pananim taon-taon. 

d. Naapektuhan din ng pagkaubos ng mga watershed ang suplay ng tubig na na ginagamit sa irigasyon ng mga sakahan. 

e. Ang pagkaubos ng kagubatan ay nagdudulot din ng pagguho ng lupa. 

(Balitao,et.al, 2004, p.365-374) 


Comments

Popular posts from this blog

ARALING PANLIPUNAN 9: KONSEPTO AT PALATANDAAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN

ARALING PANLIPUNAN 10: PAGKAMAMAMAYAN: KONSEPTO AT KATUTURAN (Week 1&2)