ARALING PANLIPUNAN 9: KONSEPTO AT PALATANDAAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN
ARALING PANLIPUNAN 9
KONSEPTO AT PALATANDAAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN
TUKLASIN AT SURIIN
Narito ang mga iba’t ibang konsepto ng pag-unlad:
● Sa diksiyonaryong Merriam-Webster, ang pag-unlad ay pagbabago mula sa mababa tungo sa mataas na antas ng pamumuhay. Isa itong kaisipang maaaring may kaugnayan din sa salitang pagsulong.
● Sa aklat ni Feliciano R. Fajardo na Economic Development (1994), malinaw niyang inilahad ang pagkakaiba ng pagsulong at pag-unlad. Ayon sa kanya, ang pag- unlad ay isang progresibo at aktibong proseso. Ang pagsulong ay ang bunga ng prosesong ito. Kung gayon, ang pagsulong ay produkto ng pag-unlad.
● Ayon pa rin kay Fajardo, ang pagsulong ay nakikita at nasusukat. Ang mga halimbawa nito ay mga daan, sasakyan, kabahayan, gusali, pagamutan, bangko, paaralan, at marami pang iba. Ang mga ito ang resulta ng pag-unlad. Dapat itong makalikha ng mas marami at lalong mabuting produkto at serbisyo. Dagdag pa niya, ang pag-unlad ay isang progresibong proseso ng pagpapabuti ng kondisyon ng tao, gaya ng pagpapababa ng antas ng kahirapan, kawalan ng trabaho, kamangmangan, di-pagkakapantay-pantay, at pananamantala.
● Inilahad nina Michael P. Todaro at Stephen C. Smith sa kanilang aklat na Economic Development (2012) ang dalawang magkaibang konsepto ng pag-unlad: ang tradisyonal na pananaw at makabagong pananaw. Sa tradisyonal na pananaw, binigyang-diin ang pag-unlad bilang pagtatamo ng patuloy na pagtaas ng antas ng income per capita nang sa gayon ay mas mabilis na maparami ng bansa ang kaniyang output kaysa sa bilis ng paglaki ng populasyon nito. Sa makabagong pananaw naman, isinasaad na ang pag-unlad ay dapat na kumatawan sa malawakang pagbabago sa buong sistemang panlipunan. Dapat na ituon ang pansin sa iba’t ibang pangangailangan at nagbabagong hangarin ng mga tao at grupo sa nasabing sistema upang masiguro rin ang paglayo
mula sa di-kaaya-ayang kondisyon ng pamumuhay tungo sa kondisyon na mas kasiya-siya.
● Sa akdang “Development as Freedom” (2008) ni Amartya Sen, kanyang ipinaliwanag na ang kaunlaran ay matatamo lamang kung “mapauunlad ang yaman ng buhay ng mga tao kaysa sa yaman ng ekonomiya nito”. Upang matamo ito, mahalagang bigyang pansin ang pagtanggal sa mga ugat ng kawalang kalayaan tulad ng kahirapan, diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay at ng iba pang salik na naglilimita sa kakayahan ng mga mamamayan.
MGA PALATANDAAN NG PAG-UNLAD
PAGSULONG
Maaari kayang magkaroon ng pagsulong kahit walang pag-unlad? Maraming bansa sa kasalukuyan, tulad ng China at Malaysia, ang sinasabing progresibo. Maraming modernong gusali ang naitatayo sa mga nasabing bansa. Maraming mga korporasyon ang kumikita nang malaki subalit karamihan sa mga ito ay pagmamay- ari at pinamamahalaan ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunang ito ay nakapagtataguyod ng mas mabilis na paglago at pagsulong ng kanilang ekonomiya. Maliban sa mga mamumuhunan, malaki rin ang naitulong ng mga likas na yaman tulad ng langis sa pagsulong ng ekonomiya ng isang bansa. Karamihan ng mga bansa sa Gitnang Silangan tulad ng UAE, Qatar, at Saudi Arabia ay nagtamo ng mabilis na paglago ng ekonomiya dala ng kanilang kita mula sa langis ayon na rin sa ulat ng International Monetary Fund noong 2013. Nakapagpatayo sila ng maraming gusali at imprastraktura na talaga namang nakatulong sa pag-unlad ng mga nasabing bansa. Bunga nito, nakapag-angkat sila ng mga makabagong teknolohiya, magagaling na manggagawa, at mga dekalidad na hilaw na materyales mula sa ibang bansa.
Bukod pa sa mga likas na yaman, may iba pang mga salik na maaaring makatulong sa pagsulong ng ekonomiya ng isang bansa. Sa librong Economics, Concepts and Choices (2008) nina Sally Meek, John Morton at Mark Schug, inisa- isa nila ang mga ito.
✔ Likas na Yaman. Malaki ang naitutulong ng mga likas na yaman sa pagsulong ng ekonomiya lalong-lalo na ang mga yamang-lupa, tubig, kagubatan, at mineral. Subalit hindi kasiguraduhan ang mga likas na yaman sa mabilis na pagsulong ng isang bansa.
✔ Yamang-Tao. Isa ring mahalagang salik na tinitingnan sa pagsulong ng ekonomiya ang lakas-paggawa. Mas maraming output ang nalilikha sa isang bansa kung maalam at may kakayahan ng mga manggagawa nito.
✔ Kapital. Sinasabing lubhang mahalaga ang kapital sa pagpapalago ng ekonomiya ng isang bansa. Sa tulong ng mga kapital tulad ng mga makina sa mga pagawaan ay nakalilikha ng mas maraming produkto at serbisyo.
✔ Teknolohiya at Inobasyon. Sa pamamagitan ng mga salik na ito, nagagamit nang mas episyente ang iba pang pinagkukunang-yaman upang mas maparami pa ang mga nalilikhang produkto at serbisyo.
PAG-UNLAD
Masasabing ang pagsulong ay isa lamang aspekto ng pag-unlad. Sa pagsulong, sinusukat ang halaga ng mga produkto at serbisyong nalikha sa loob ng isang panahon. Sa pagsukat nito, ginagamit ang Gross Domestic Product (GDP), Gross National Product (GNP), GDP/ GNP per capita at real GDP/ GNP. Sa kabilang banda, hindi sapat na panukat ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo dahil hindi nito naipakikita kung paano naipamamahagi ang kita at yaman ng bansa sa mga mamamayan nito. Samakatuwid, hindi sapat ang mga numero, makabagong teknolohiya, at nagtataasang gusali upang masabing ganap na maunlad ang isang bansa.
Human Development Index
Ang Human Development Index (HDI) ay tumutukoy sa pangkalahatang sukat ng kakayahan ng isang bansa na matugunan ang mahahalagang aspekto ng kaunlarang pantao: kalusugan, edukasyon at antas ng pamumuhay. Sa pagsukat ng aspektong pangkalusugan, ginagamit na pananda ang haba ng buhay at kapanganakan. Ipinapahiwatig dito ang bilang ng taon na inaasahang itatagal ng isang sanggol kung ang mga umiiiral na dahilan o sanhi ng kamatayan sa panahon ng kaniyang kapanganakan ay mananatili habang siya ay nabubuhay. Sa aspekto naman ng edukasyon, ang mean years of schooling at expected years of schooling ang mga ginagamit na pananda. Ang mean years of schooling ay tinataya ng United Nation Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) batay sa mga datos mula sa mga sarbey at sensus ukol sa antas ng pinag- aralan ng mga mamamayan na may 25 taong gulang. Samantala, ang expected years of schooling naman ay natataya base sa bilang ng mga nag-aaral sa lahat ng antas ng edukasyon. Itinakda ang 18 taon bilang expected years of schooling ng UNESCO. Ang aspekto ng antas ng pamumuhay ay nasusukat gamit ang gross national income per capita.
Kahalagahan ng HDI
Ang HDI ay nilikha upang bigyang-diin na ang mga tao at ang kanilang kakayahan ang dapat na pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat ng pag-unlad ng isang bansa, hindi lang ang pagsulong ng ekonomiya nito. Tinatangka ng HDI na ihanay ang mga bansa mula 0 (pinakamababang antas ng kaunlarang pang- tao) at 1 (pinakamataas na antas ng kaunlarang pantao). Maaari itong gamitin upang suriin at busisiin ang mga patakarang pambansa ng dalawang bansang may parehong antas ng GNI per capita ngunit magkaibang resulta hinggil sa kaunlarang pantao. Bawat taon, ang United Nations Development Programme (UNDP) ay naglalabas ng Human Development Report ukol sa estado ng kaunlarang pantao sa mga kasaping bansa nito.
Sa pinakaunang Human Development Report na inilabas ng UNDP noong 1990, inilahad ang pangunahing saligan ng sumunod pang mga ulat na nagsasabing “Ang mga tao ang tunay na kayamanan ng isang bansa.” Sa pamamagitan ng mga pahayag na ito, na kinatigan pa ng maraming empirikal na datos at makabagong pananaw ukol sa pagsukat ng kaunlaran, ang Human Development Report ay nagkaroon ng mahalagang implikasyon sa pagbuo ng mga polisiya ng mga bansa sa buong mundo.
Ang Human Development Report ay pinasimulan ni Mahbub ul Haq noong 1990. Ayon sa kaniya, ang pangunahing hangarin ng pag-unlad ay palawakin ang pamimilihan (choices) ng mga tao sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga pamimiliang ito ay maaaring walang katapusan at maaaring magbago. Ilan sa mga ito ang mas malawak na akses sa edukasyon, maayos na serbisyong pangkalusugan, mas matatag na kabuhayan, kawalan ng karahasan at krimen, kasiya-siyang mga libangan, kalayaang pampolitika at pangkultura, at pakikilahok sa mga gawaing panlipunan.
Ang Human Development Report Office (HRDO) ng United Nations Development Programme (UNDP) ay gumagamit ng mga karagdagang palatandaan upang masukat ang mga sumusunod:
⮚ hindi pagkakapantay-pantay (Inequality-adjusted HDI), Ang Inequality-adjusted HDI ay ginagamit upang matukoy kung paano ipinamamahagi ang kita, kalusugan, at edukasyon sa mga mamamayan ng isang bansa.
⮚ kahirapan (Multidimensional Poverty Index) Ang Multidimensional Poverty Index naman ay ginagamit upang matukoy ang paulit-ulit na pagkakait sa mga sambahayan at indibidwal ng kalusugan, edukasyon at antas ng pamumuhay.
⮚ at gender disparity (Gender Inequality Index). ang Gender Development Index ang sumusukat sa puwang o gap sa pagitan ng mga lalaki at babae.
Ang pagbibigay pansin sa kaunlarang pantao ay lubhang mahalaga sa paghahanap ng pamamaraan upang mas mapabuti pa ang kalagayan ng mga tao. Ang human development ay hindi nakapako sa iisang konsepto lamang. Bagkus, habang nagbabago ang mundo ay patuloy ring nagbabago ang pamamaraan at konseptong nakapaloob dito. Tanging ang katotohanang ang pag- unlad ay tunay na nasusukat lamang sa pamamagitan ng epekto nito sa pamumuhay ng mga tao.
Sama-Samang Pagkilos para sa Pambansang Kaunlaran
Hindi uunlad ang isang bansa kung hindi tutulong ang kaniyang mga mamamayan. Bawat isa ay may gampanin sa pag-unlad ng bansa. Maaaring ang pagbibigay ng kontribusyon sa pag-unlad ng bansa ay sa pamamagitan ng pansariling pagsisikap o sama-samang pagtutulungan. Ang paglaya sa kakapusan ng bawat isa ay isang paraan na maaaring gawin ng isang indibidwal sa pamamagitan ng matalinong pamamahala ng pananalapi. Kailangan ng sama-samang pagkilos ng lahat ng mamamayan. Maaaring gawin ang sumusunod bilang ilan sa mga estratehiya na makatutulong sa pag-unlad ng bansa:
MAPANAGUTAN
Tamang pagbabayad ng buwis. Ang pagkakaroon ng kultura ng tamang pagbabayad ng buwis ay makakatulong upang magkaroon ang pamahalaan ng sapat na halagang magagamit sa mga serbisyong panlipunan tulad ng libreng edukasyon, murang programang pangkalusugan, at iba pa.
Makialam. Ang mali ay labanan, ang tama ay ipaglaban. Paglaban sa anomalya at korapsyon maliit man o malaki sa lahat ng aspekto ng lipunan at pamamahala. Mahalagang itaguyod ng mga mamamayan ang kultura ng pagiging tapat sa pribado at publikong buhay. Hindi katanggap-tanggap ang pananahimik at pagsasawalang-kibo ng mamamayan sa mga maling nagaganap sa loob ng bahay, sa komunidad, sa paaralan, pamahalaan, at sa trabaho.
MAABILIDAD
Bumuo o sumali sa kooperatiba. Ang pagiging kasapi ng kooperatiba ay isang paraan upang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na maging kasapi sa paglikha ng yaman ng bansa. Ang kooperatiba ay ang pagsasama-sama ng puhunan ng mga kasapi upang magtayo ng negosyo na ang makikinabang at tatangkilik ay mga kasapi rin. Ang kanilang kita ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dibidendo o hati sa kita batay sa bahagi sa kooperatiba. Ang nagpapatakbo ng kooperatiba ay mga kasapi ring naniniwala sa sama-samang pag-unlad.
Pagnenegosyo. Hindi dapat manatiling manggagawa lamang ang Pilipino. Dapat nating sikapin na maging negosyante upang tunay na kontrolado ng Pilipino ang kabuhayan ng bansa at hindi ng mga dayuhan.
MAKABANSA
Pakikilahok sa pamamahala ng bansa. Ang aktibong pakikilahok sa pamamahala ng barangay, gobyernong lokal, at pambansang pamahalaan upang maisulong ang mga adhikain at pangangailangan ng mga Pilipino ay kailangang gawin ng bawat mamamayan upang umunlad ang bansa.
Pagtangkilik sa mga produktong Pilipino. Ang yaman ng bansa ay nawawala tuwing tinatangkilik natin ang dayuhang produkto. Dapat nating tangkilikin ang mga produktong Pilipino.
MAALAM
Tamang pagboto. Ugaliing pag-aralan ang mga programang pangkaunlaran ng mga kandidato bago pumili ng iboboto. Dapat din nating suriin ang mga isyung pangkaunlaran ng ating bansa upang masuri kung sinong kandidato ang may malalim na kabatiran sa mga ito.
Pagpapatupad at pakikilahok sa mga proyektong pangkaunlaran sa komunidad. Ang pag-unlad ay hindi magaganap kung ang pamahalaan lamang ang kikilos. Maaaring manguna ang mga mamamayan sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran. Dapat ay magkaroon tayo ng malasakit sa ating komunidad upang makabuo at makapagpatupad ng mga proyektong magpapaunlad sa ating komunidad.
(DepEd Learners Module, 2015, pp. 376-397)
Comments
Post a Comment