ARALING PANLIPUNAN 10: PAGKAMAMAMAYAN: KONSEPTO AT KATUTURAN (Week 1&2)

PAGKAMAMAMAYAN: KONSEPTO AT KATUTURAN 

Ayon kay Murray Clark Havens (1981), ang pagkamamamayan o citizenship ay ugnayan ng isang indibiduwal sa isang estado. Ito ay tumutukoy sa pagiging miyembro ng isang indibiduwal sa isang estado at kabilang siya bilang isang citizen, siya ay gumagawa ng karapatan at tungkulin. Sa Pilipinas, ang pagkamamamayan ay may mga batayan at ito ay nakapaloob sa Saligang Batas ng Pilipinas. Dito rin nakapaloob ang mga tungkulin at karapatan ng bawat mamamayang Pilipino. 


ANG MAMAMAYANG PILIPINO 

Sa Artikulo IV, Seksyon 1- 5 ng 1987 Konstitusyon, nakasaad ang mga itinatakda ng batas hinggil sa kung sino ang itinuturing na mamamayang Pilipino. 

SEKSYON 1. Ang sumusunod ay ang mamamayan ng Pilipinas: 

(1) Ang mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagpapatibay ng Saligang Batas na ito; 

(2) Ang mga ama o ina ay mamamayan ng Pilipinas; 

(3) Ang mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang ina ay Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit ng karampatang gulang; at 

(4) Ang naging mamamayan ayon sa batas. 

SEKSYON 2. Ang katutubong inanak na mamamayan ay ang mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagkasilang na wala nang kinakailangang gampanan ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamayang Pilipino. 

SEKSYON 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas. 

SEKSYON 4. Mananatiling angkin ang pagkamamamayan ng mga mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing sa ilalim ng batas na nagtakwil ito. 

SEKSYON 5. Ang dalawahang katapatan ng pagkamamamayan ay salungat sa kapakanang pambansa at dapat lapatan nang kaukulang batas. 


MGA PRINSIPYO NG PAGKAMAMAMAYANG PILIPINO 

May dalawang prinsipyo ng pagkamamamayan na sinusunod sa Pilipinas. Ito ay ang: 

1. Jus Sanguinis – ay naaayon sa dugo o pagkamamamayan ng mga magulang o isa man sa kanila. Ito ang prinsipyo na sinusunod sa Pilipinas. Halimbawa, kung ang isang dayuhang Indian ay nanganak sa Pilipinas, ang pagkamamamayan ng kanyang anak ay Indian din katulad ng kanyang magulang kahit sa Pilipinas ito naipanganak. 

2. Jus Soli – ang prinsipyo na naaayon sa lugar ng kanyang kapanganakan anuman ang pagkamamamayan ng mga magulang. Ito ang prinsipyo na sinusunod sa bansang Amerika. Halimbawa, ang isang Pilipino na ipinanganak sa Amerika ay magiging American Citizen ito kahit Pilipino ang kanyang mga magulang dahil sa bansang Amerika siya ipinanganak. 


MGA SANHI NG PAGKAWALA NG PAGKAMAMAMAYANG PILIPINO

Alinsunod Seksyon 3 ng Saligang Batas, ang pagkamamamayan ng isang indibiduwal ay maaaring mawala ngunit ito ay maaaring maibalik. Ang sumusunod ay maaaring maging mga balidong sanhi ng pagkawala ng pagkamamamayan ng isang Pilipino: 

(1) sa pamamagitan ng naturalisasyon sa ibang bansa, 

(2) expatriation o kusang pagtalikod sa pagkamamamayan, 

(3) panunumpa ng katapatan ng Saligang Batas ng mga banyaga pagsapit ng 10-20 taon, 

(4) paglilingkod sa hukbong sandatahan ng ibang bansa, at 

(5) pag-aasawa ng dayuhan at pagsunod sa pagkamamamayan nito. 


PAANO MAIBABALIK ANG PAGKA-PILIPINO? 

Ang nawalang pagkamamamayan ay maaaring maibalik sa pamamagitan ng sumusunod na paraan: 

(1) Naturalisasyon – ay paraan ng pagtanggap ng bansa sa isang dayuhan at pagkakaloob sa kanya ng karapatang tinatanggap ng mga mamamayan. Maaari itong makamit sa pamamagitan ng hatol ng hukuman o batas ng Kongreso. Ang mga mamamayan na sumailalim sa bisa ng naturalisasyon ay tinatawag na naturalisado. 

(2) Repatriation – ang tawag sa kusang pagbabalik ng isang tao sa kanyang pinanggalingang bansa pagkatapos na mabawi ang kanilang pagkamamamayan. 

(3) Aksyon ng Kongreso – pagtugon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ukol sa aplikasyon para maging isang mamamayang Pilipino. 

(4) Pagpapatawad ng gobyerno sa isang tumakas sa Sandatahang Lakas ng bansa – ang paraang ito ay kadalasang para sa mga sundalo na nagsilbi sa pamahalaan ngunit tumakas habang sila’y nasa tungkulin lalo na sa panahon ng digmaan kaya nabawi ang pagkamamamayang Pilipino mula sa kanila. 


Mga Katangian na Dapat Taglayin ng Isang Aktibong Mamamayang Nakilalahok sa Gawaing Pansibiko 

Ang pagsulong at pag-unlad ng ating bansa ay nakasalalay sa ating mga mamamayan. Gampanin ng bawat isa sa atin na makibahagi sa mga gawaing pansibiko upang makaagapay tayo sa pangangailangan ng ating komunidad at sa ating bansa. Sa pamamagitan ng pagkukusa na makipagtulungan at pakikiisa sa paggawa ng mga gawaing pansibiko, gaano man kadali o kahirap ito ay may malaking tulong upang mabigyang kalutasan ang mga suliranin na kinakaharap ng ating pamayanan. 

Para tayo ay lubos na makalahok sa mga gawaing pansibiko, dapat nating taglayin ang mga katangian ng isang aktibong mamamayan. Narito ang mga katangian na dapat taglayin ng isang aktibong mamamayang nakilalahok sa mga gawaing pansibiko: 

1. MAKABANSA 

Isa sa mga katangian na dapat taglayin ng isang aktibong mamamayan ang pagiging makabansa. Tungkulin ng bawat isa sa atin na sikaping isulong ang pagtutulungan, pagbubuklod-buklod, at pagkakaisa. Sa paniniwalang matatamo ang kaunlaran ng bawat isa at ng ating bayan kung may pagtutulungan, sinisikap natin sa abot ng ating makakaya na makibahagi at dumamay sa ating pamayanan lalo na sa panahon ng pangangailangan tulad ng pagsalanta ng kalamidad. 

Nagbuwis ng buhay ang ating mga bayani dahil sa pag-ibig sa bayan sa hangarin na makamit ang kalayaan mula sa kamay ng mga mananakop. Masusuklian natin ang sakripisyo na ginawa ng ating mga bayani para sa atin kung tumutulong tayong mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa ating pamayanan at isulong ang pag-unlad ng bansa. 

Sa kasalukuyan, may mga itinuturing na makabagong bayani na nagpapakita ng kanilang pagmamahal sa ating bansa. Sila ang mga OFW (Overseas Filipino Worker). Ang kanilang pagsasakripisyo na mangibang bansa upang makapaghanapbuhay at kumita ng salapi para sa kanilang pamilya ay may malaking tulong upang lumago ang ating ekonomiya. Gayundin ang mga frontliner sa panahon ng pandemiya na dulot ng COVID-19 ay walang takot na ibuwis ang kanilang buhay para lamang magampanan ang kanilang tungkulin na higit na kailangan ng ating bansa ngayong panahon ng krisis na pangkalusugan. 


Ang isang mamamayang makabayan ay: 

a. Tapat sa Bansa 

Nangangahulugan ito na handa tayong magmalasakit at maglingkod para sa bansa sa anumang oras kung may magnanais na pabagsakin ito. Kaakibat ng tiwala at pananalig sa republika ay ang paggalang sa ating pambansang sagisag tulad ng ating watawat. Ang simpleng pagtayo nang matuwid, paglalagay ng kanang kamay sa dibdib, at pag-awit nang may kasiglahan sa pambansang awit ay palatandaan ng pagkilala, pagtitiwala, at pagmamahal sa republika. 

Ito ang itinatakda ng Konstitusyon partikular na sa Artikulo XVI, Seksyon 1: “Ang bandila ng Pilipinas ay dapat na pula, at bughaw, na may isang araw at tatlong bituin, na dinadakila at iginagalang ng sambayanan at kinikilala ng batas.” 

Ang pagpapahalaga at pangangalaga natin sa ating mga makasaysayang pook, at bagay na sumisimbolo sa pagiging malayang bansa ay isa ring palatandaan ng pagiging tapat sa bansa. 

b. Handang Ipagtanggol ang Estado 

Ang kahandaang ipagtanggol ang estado tulad ng ginawa ng ating mga bayani ay pagpapakita rin ng pagiging makabayan. Sa lahat ng pagkakataon, bilang isang mapanagutang mamamayan, tayo ay dapat na handang magtanggol sa ating bansa. 

c. Sinusunod ang Saligang Batas at iba pang mga batas ng Pilipinas 

Nararapat na sundin ng bawat mamamayan ang Saligang Batas at ang iba pang batas ng bansa. Ang hindi paggalang sa batas ay nagdudulot ng kaguluhan sa lipunan. Inaalis nito ang katahimikan, kaayusan, at seguridad ng bawat isa at hinahadlangan nito ang pag-unlad. Kung ang lahat ng mamamayan ay sumusunod sa batas, tayong lahat ay mamumuhay nang mapayapa, masagana, at tahimik sa isang pamayanan. 

d. Nakikipagtulungan sa Gobyerno 

Ang bawat mamamayan ay kailangang makipagtulungan sa may kapangyarihan upang mapanatili ang kaayusan at mapangalagaan ang katarungan ng ating lipunan. Mahalaga ang partisipasyon at magandang koneksiyon ng pinuno sa mga mamamayan at ang partisipasyon ng mga tao upang mapabilang sila sa paggawa ng desisyon, matukoy ang mga suliranin sa lipunan at mabigyan ito ng angkop na solusyon. 

e. Pagtangkilik sa Sariling Produkto 

Kung ang bawat Pilipino ay prayoridad na bilhin ang produktong gawa ng mga Pilipino, makakatulong ito sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa. Ang pagtaas ng demand ng produktong gawa ng Pilipino ay nangangahulugang tataas din ang kita ng mga prodyuser at tataas ang babayarang buwis na siyang ginagamit ng pamahalaan para pondohan ang mga programa at proyektong panlipunan. 

f. Pagbabayanihan sa Panahon ng Kalamidad at mga Suliranin na ating Kinakaharap 

Ang ating bansa ay madalas na tamaan ng bagyo dahil sa ang lokasyon nito ay matatagpuan sa tinatawag na typhoon belt. Kaya naman taon-taon ay hindi tayo nakaiiwas sa pinsalang dulot ng kalamidad na ito sa ating bansa. Sa panahon ng ganitong sakuna, namamayani sa puso at diwa ng mga Pilipino ang espiritu ng bayanihan kung saan maraming mamamayan ay nagbibigay ng ambag sa simpleng paraan para maiparating sa mga nasalangtang kababayan ang kanilang munting tulong. 


2. MAKATAO 

Bawat tao ay may karapatan na dapat igalang at protektahan. Bilang mamamayan, may kalayaan tayong gamitin ang bawat karapatan ngunit dapat nating tandaan na ang bawat karapatan ay may kalakip na pananagutan at tungkulin na igalang din ang mga karapatan ng iba. Kaya nararapat lamang na tiyakin natin na hindi tayo nakasasakit o nakapipinsala sa ibang tao habang tinatamasa natin ang mga karapatang ito. 


3. PRODUKTIBO 

Ang aktibong mamamayan ay nagtatrabaho o gumagawa sa malinis na paraan. Ginagampanan nito ang kanyang tungkulin nang mahusay, may buong katapatan, at pagkukusa. Ang pagiging matiyaga at masipag sa paggawa ay ugali na nating mga Pilipino noon pa man. Ito ay ipinakita sa atin ng ating mga ninuno na Ifugaoeňo sa pagkakagawa ng Banaue Rice Terraces. Dahil sa tiyaga at sipag ng mga ninunong Ifugaoeňo, nagawa nilang makabuo ng isang tanawin na ngayon ay hinahangaan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kailangan nating maging produktibo upang makatulong sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Ang Pilipinas ay may mataas na bilang ng batang populasyon na maaari nitong sanayin, linangin, at paghusayin upang maging produktibo at makatulong sa pagpapaangat sa ating pamumuhay at ekonomiya sa hinaharap. 


4. MAY LAKAS NG LOOB AT TIWALA SA SARILI 

Ang katangian na pagiging matatag, at may tibay ng loob ay ipinamalas ng ating mga bayani sa paglaban sa mga mananakop na Kastila, Amerikano, at Hapones upang lumaya ang bansa mula sa kamay ng mga mapanlupig na dayuhan. Katatagan din ng loob ang ipinamamalas ng mga manggagawang Pilipino na nangingibang bansa upang doon maghanapbuhay. Hindi matatawaran ang sakripisyo at tatag ng kalooban nila na iwanan ang kanilang pamilya at lisanin ang bansa sa pagnanais na mapabuti ang estado ng kanilang pamumuhay. Kaya naman nararapat lamang na sila ay itinuturing na mga makabagong bayani. 

Sa iba’t ibang larangan naipapamalas nating mga Pilipino ang ating galing dahil sa tatag ng loob, kumpiyansa, at tiwala sa sarili na ating angkin, kaya unti-unti ay nakikilala tayong mga Pilipino sa buong mundo. 


5. MAKATUWIRAN 

Isinasaalang-alang ang kapakanan ng nakararami kaysa sa pansariling interes. Ang makabayan mamamayan ay kumikilos nang naaayon sa isinasaad ng batas at pinahahalagahan kung ano ang tama. 


6. MATULUNGIN SA KAPWA 

Likas na sa mga Pilipino ang pagtulong sa kapwa. Tayo ay likas na mapagkawang-gawa lalong lalo na sa mga kapus-palad at dumaranas ng hirap sa buhay. Madalas na nakikita rin ang pagiging matulungin nating mga Pilipino sa panahon ng mga kalamidad, sakuna, aksidente, at pagdadalamhati. Palaging namamayani sa ating puso at isipan sa mga panahon na ito ang pagtutulungan at bayanihan. Ang pagtulong na walang hinihintay na kapalit ay palatandaan ng pagmamahal sa kapwa. 


7. MAKASANDAIGDIGAN 

Ang makasandaigdigang mamamayan ay mamamayan ng kanyang bayan at gayundin sa buong mundo. Palagi nitong isinasaalang - alang ang kapakanan ng kanyang bansa at ng mundo sa pangkalahatan. 

Ang nabanggit na mga katangian ay nararapat maisabuhay ng isang mamamayan habang siya’y aktibong nakikibahagi maging ito ma’y tuwiran o di-tuwiran sa mga gawaing pansibiko at nakilalahok sa mga usaping pampolitika nang sa ganun ay magampanan niya nang maayos ang kaniyang mahalagang papel tungo sa kaunlaran ng bansa at pagbabagong panlipunan. 

(Katangian ng Aktibong Mamamamayang Nakikilahok sa Gawaing Pansibiko, Antonio, Eleanor D. et al, Kayamanan: Kontemporaryong Isyu. Rex Bookstore. Nicanor Reyes Sr, St., Sampaloc Manila, pp. 314) 


Comments

Popular posts from this blog

ARALING PANLIPUNAN 9: KONSEPTO AT PALATANDAAN NG PAMBANSANG KAUNLARAN

ARALING PANLIPUNAN 9: SEKTOR NG AGRIKULTURA